Komite para Gawing Simple ang Balota

Alamin kung paano tumatakbo ang Komite at kung paano makilahok.

Introduksiyon

Inihahanda ng Komite para Gawing mas Simple ang Balota ang makatarungan at walang-kinikilingang pagbubuod, sa simpleng salita, ng bawat lokal na panukala sa balota. Ipinaliliwanag sa bawat buod o “digest” ang mga pangunahing layunin at punto ng panukala, at mayroon itong apat na seksiyon:

  1. Ang Kalagayan Nito Ngayon
  2. Ang Mungkahi
  3. Ang Ibig Sabihin ng Botong “Oo”
  4. Ang Ibig Sabihin ng Botong “Hindi”

Sa pangkalahatan, kinakailangang isulat ang mga buod sa paraang mababasa ng nasa ika-walong grado sa paaralan, at dapat ding may 300 lang na salita o mas mababa pa. Kung pagpapasyahan ng Komite na kakailanganin ng mas mahabang pagbubuod dahil sa sakop at pagiging kumplikado ng isang panukala, maaaring lumampas sa limitasyong 300-salita ang buod.

Muli ring pinag-aaralan at inihahanda ng Komite ang iba pang materyales para sa Pamplet ng Impormasyon para sa Botante, tulad ng “Mga Madalas na Katanungan” at “Mga Salitang Kailangan Ninyong Malaman”, na isang glosaryo ng mga terminong ginamit sa pamplet.

Patakaran para sa Pagsusulat ng mga Buod

Inihahanda ng Tanggapan ng Abugado ng Lungsod ang pang-unang draft (pagkakasulat na hindi pinal) ng buod para sa bawat panukala. Nagsisimula ang Komite sa pamamagitan ng pagdidiskusyon at pag-eedit ng naturang draft. 

Matapos magkasundo ang Komite tungkol sa draft na buod, binubuksan ang pagpupulong para sa komento mula sa publiko, na karaniwang limitado sa tatlong minuto kada tao. Magalang na hinihiling ng Komite na tukuyin ng mga tagapagsalita ang espesipikong bahaging nais nilang baguhin sa draft na buod, at ang mga dahilan sa iminumungkahing pagbabago.

Matapos ang komento mula sa publiko, binibigyang konsiderasyon ng Komite ang bawat iminungkahing pagbabago, at nagdedesisyon kung aamyendahan ang draft na buod. Matapos nito, boboto ang bawat isa sa limang bumobotong miyembro ng Komite para pagtibayin ang buod. Kinakailangan nang hindi bababa sa tatlong boto para mapagtibay ang buod.

Patakaran para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon sa mga Buod

Matapos pagtibayin ng Komite ang isang buod, maaaring humiling ang sinumang tao na muling bigyan ng konsiderasyon ng Komite ang buod sa pamamagitan ng pagsusumite ng nakasulat na Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon sa Departamento ng mga Eleksyon sa loob ng 24 oras ng pagkakatibay sa buod. Ang bawat buod ay ipapaskil sa lalong madaling panahon matapos ang pagkakatibay nito kasama ang deadline para sa mga Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon.

Isinasaalang-alang ng Komite ang bawat Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon sa isang pampublikong pagpupulong, at nagdedesisyon kung babaguhin ang buod matapos ang pagbibigay ng komento ng publiko. Kinakailangan ang hindi bababa sa tatlong boto para baguhin ang buod. Ang mga desisyon ng Komite tungkol sa mga Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon ay pinal na.

Kinakailangang nakasaad sa Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon ang:

  1. Espesipikong linya sa buod na nais baguhin ng humihiling
  2. Linyang inirerekomenda ng humihiling bilang kapalit
  3. Mga dahilan para sa rekomendasyon

Ipadala ang mga Kahilingan para sa Muling Pagbibigay ng Konsiderasyon sa pamamagitan ng pag-email sa BSC.clerk@sfgov.org o sa personal sa Departamento ng mga Eleksyon sa mga oras ng operasyon.

Pagiging Miyembro sa Komite

Binubuo ng limang bumobotong miyembro ang Komite para Gawing mas Simple ang Balota, kung saan ang bawat isa ay kinakailangang residente at rehistradong botante ng San Francisco. May karanasan ang mga miyembro ng Komite sa pamamahayag, edukasyon, at nakasulat na komunikasyon.

Nagtatalaga ng tatlong miyembro ang Lupon ng mga Superbisor:

  • Ang dalawa ay kinakailangang nominado ng Pambansang Akademiya ng Sining at Agham sa Telebisyon (Sangay sa Hilagang California) o ng Asosasyon ng mga Brodkaster sa Hilagang California
  • Ang isa ay kinakailangang nominado ng Liga ng mga Kababaihang Botante ng San Francisco

Nagtatalaga ng dalawang miyembro ang Mayor:

  • Ang isa ay kinakailangang nominado ng Samahan ng mga Manggagawa sa Media sa Hilagang California (dating Kapisanan ng mga Pahayagan sa Hilagang California)
  • Ang isa ay kinakailangang espesyalista sa pang-edukasyong pagbabasa na rekomendado ng Superintendente ng mga Paaralan ng Pinagsama-samang Distritong Pampaaralan ng San Francisco

Magsisilbi ang isang miyembro ng Tanggapan ng Abugado ng Lungsod bilang isang ex officio na miyembrong hindi bumoboto.

Archive ng Ballot Simplification Committee

Humingi ng tulong

Department of Elections

1 Dr. Carlton B. Goodlett Place
City Hall, Room 48
San Francisco, CA 94102

Phone

Fax: 415-554-7344
TTY: 415-554-4386

中文: 415-554-4367
Español: 415-554-4366
Filipino: 415-554-4310

Last updated July 19, 2024