Mga botanteng militar at nasa ibang bansa

Maaari pa ring makaboto ang mga residente ng San Francisco na malayo sa kanilang tahanan.

Ang kinikilala ninyong tahanan ang tutukoy kung saan kayo makaboboto. Nangangahulugan ito na kung kayo ay isang residente ng San Francisco na kasalukuyang nasa ibang bansa o naglilingkod sa militar, maaari pa rin kayong bumoto rito.

Patuloy na magbasa para malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging military and overseas (MILOS) voter o botanteng militar at nasa ibang bansa at kung paano mapabilang kasama nila.

Elihibilidad para sa MILOS

Sa ilalim ng pederal na batas, maaaring kuwalipikado kayo na maging botanteng MILOS kung kayo ay isa sa mga sumusunod:

  • Isang aktibong miyembro ng uniformed services o merchant marine
  • Asawa o dependent ng isang aktibong miyembro ng uniformed services o merchant marine
  • Isang mamamayan ng Estados Unidos na naninirahan sa labas ng bansa

Rehistrasyon para sa MILOS

Upang maging isang botanteng MILOS, dapat kayo’y elihible munang makaboto. Dapat ay mayroon din kayong tirahan sa San Francisco. (Kung hindi pa kayo nakatira sa Estados Unidos, maaari ninyong gamitin ang address ng inyong magulang/tagapag-alaga sa San Francisco.)

Maaari kayong magparehistro upang maging isang botanteng MILOS sa isa sa dalawang paraan:

  1. I-print, kompletuhin, at ibalik sa amin ang isang Federal Post Card Application sa pamamagitan ng koreo, fax, o email.
  2. Magparehistrong bumoto online (Kung wala kayong pirma sa DMV, kailangan ninyong i-print, pirmahan, at ibalik ang aplikasyon sa pamamagitan ng koreo, fax, o email.)

Pagkauwi ninyo sa San Francisco, mangyaring muling magparehistrong bumoto para maibalik ang inyong status bilang lokal na botante.

Paghahatid ng balota sa botanteng MILOS

Magpapadala kami ng mga balotang MILOS 45-60 araw bago ang Araw ng Eleksyon. Bilang isang botanteng MILOS, maaari ninyong makuha ang inyong balota sa pamamagitan ng paraan na inyong pinili noong nagparehistro kayong bumoto: sa pamamagitan ng koreo, email, o fax. Bilang isang botanteng MILOS, maaari kayong bumoto sa anumang panlokal, pang-estado, o pampederal na labanan sa inyong balota.

Maaari ninyong gamitin ang Federal Write-In Absentee Ballot bilang isang backup na balota kung hindi ninyo matatanggap sa oras ang inyong lokal na balota. Makukuha rin ninyo ang inyong balota sa pamamagitan ng aming sistema ng aksesibleng vote-by-mail.

Pagbalik ng balotang MILOS

Maaaring ibalik ng sinumang botanteng MILOS ang kanilang balota sa pamamagitan ng koreo. Kung kayo ay isang botanteng MILOS na naninirahan sa ibang bansa, maaari din ninyong ibalik ang inyong balota sa pamamagitan ng fax. Kung kayo ay isang botanteng MILOS na tinawag para sa serbisyo militar sa loob ng Estados Unidos isang linggo bago ang Araw ng Eleksyon, maaari din ninyong ibalik ang inyong balota sa pamamagitan ng fax. Upang ibalik ang inyong balota, gawin ang isa sa mga sumusunod na aksyon:

  1. Ipadala sa koreo ang inyong balota gamit ang opisyal na pambalik na sobre o gumamit ng dalawang karaniwang sobre kasama ang Form para sa Pagbabalik ng Balota.
  2. Ipadala sa fax ang inyong balota sa 415-554-4372 kasama ang isang napirmahang printout ng Panunumpa ng Botante para sa Pagbalik ng Balota sa Pamamagitan ng Fax.

Mabibilang lang namin ang inyong balota kung ibabalik ninyo ito nang hindi lalagpas sa Araw ng Eleksyon. Kung ibabalik ninyo ito sa pamamagitan ng koreo, mangyaring maglaan ng oras para sa paghahatid. Kung ipapadala ninyo ito sa fax sa Araw ng Eleksyon, siguraduhing gawin ito bago magsara ang mga botohan nang 8 p.m. Oras Pasipiko. Tandaan na hindi ninyo puwedeng ibalik ang inyong balota sa pamamagitan ng email.

Upang subaybayan ang inyong balota, mag-log in sa Portal ng Botante o mag-sign up para makatanggap ng mga notipikasyon sa email, text, o tawag.

 

Humingi ng tulong

Department of Elections

1 Dr. Carlton B. Goodlett Place
City Hall, Room 48
San Francisco, CA 94102

Phone

Fax: 415-554-7344
TTY: 415-554-4386

中文: 415-554-4367
Español: 415-554-4366
Filipino: 415-554-4310

Last updated December 4, 2024